|
16 Diciembre 2007
(Ikatlong Linggo sa Panahon ng Adviento)
Isaias
35, 1-6a 10
Salmo 145, 7. 8-9a
9bk-10
Santiago 5, 7-10
Mateo 11, 2-11
Paghihintay, isang bagay na
nagaganap sa halos bawat saglit ng ating buhay. Ang mismong pagtulog sa
gabi ay isang paghihintay ng isang bagong paggising, sa bawat pagbangon
nagaganap ang paghihintay sa isang bagong araw; paghihintay ng jeep o
tricycle sa may kanto, paghihintay sa pagdating ng teacher, paghihintay
sa oras ng recces o ng merienda, paghihintay na sana ay hapon na, uwian
na, paghihintay ng palabas sa T.V., paghihintay ng quincenas o ng
katapusan, paghihintay na makatapos ng pag-aaral, paghihintay ng
pagtawag ng kumpanya o ng trabaho, paghihintay ng text message o ng “padala”,
paghihintay na sana ay magka-boyfriend na, magka-girlfriend na, at kung
anu-ano pang uri ng paghihintay. Sa bawat karanasan ng paghihintay
matatagpuan natin ang karanasan ng pag-asa.
Nakatutuwang balikan ang
salitang “Esperanza.” Isang salitang espanol na ang ibig sabihin ay
pag-asa pero ito rin ang ginagamit na salita para ipahayag ang
paghihintay, bagay na nagbibigay pahiwatig na sa bawat paghihitay ay ang
ating pag-asa at sa bawat pag-asa ay ang ating paghihintay.
Ang panahon ng adviento ay
panahon ng pagdating, ang Ama na nangakong magpapadala ng Mesiyas o ng
Tagapagligtas para sa bayan ng Israel ay lubos na inasahan ng bayang
hinirang sa loob ng buo nilang kasaysayan at kalakip nito ay ang
kanilang paghihintay sa Mesiyas na darating.
Kapag may dumarating, dalawang
pananaw na makatao ang maaari nating maranasan-- ang paghihintay o ang
pagkainip.
May pagkainip kapag inaakala
nating hindi na yata darating ang hinihintay, at may paghihintay kung
buo ang ating pag-asa na ang darating ay tunay ngang darating.
Ang una ay nagpapahiwatig ng
pag-aalinlangan at ang ikalawa ay ang panatag na kasiguraduhan.
Sa mga pagbasa na ating
napakinggan, ang pag-asa ang nagpapahiwatig ng tunay at ganap na
pagbabago sa bawat tao na marunong maghintay, gayun din naman ang
matiyagang paghihintay ay pagpapahayag ng isang tunay na pag-asa. Sa
aklat ni propeta Isaias, ibinibigay ang pagpapalakas ng loob sa
kasiguraduhang tunay na darating ang Panginoon. Isang dalangin ang tugon
sa bawat versiculo ng salmo responsorio habang inaanyayahan ang
Panginoong ating hinihintay. Sa buhay ng bawat Kristiyano, ang pag-asa
ay higit pa sa isang paghihintay. Iniaangat ito, hindi lamang sa paggawa
o paghihintay ng tao kundi, isang pagpapahayag na kahit ang ating
matiyagang paghihintay ay isang napakalaking biyaya, ang biyaya ng
Pag-asa.
Ang sulat ni Apostol Santiago
ay isang paanyaya ng pagsasabuhay ng isang maka-kristiyanong pag-asa na
laan, hindi lamang para palipasin ang mga oras sa gitna ng ating
paghihintay kundi upang magkaroon ng matiyang pag-gawa habang lumilipas
ang mga oras. Lahat ng larawan ng paghihintay na ating napakinggan ay
binibigyang buod sa larawang ibinibigay ng ating Panginoon sa Mabuting
Balita, kung saan maraming mga tao ang umaasa sa kanyang pagdating at
ang nais ng bawat isa ay magkaroon ng katuparan ano man ang kanilang
inaasahan.
Maging si Juan ay naghihintay
sa pagdating ng Mesiyas at sa buhay niya inilalarawan ang isang matiyang
paghihintay na punong-puno ng Pag-asa, pag-gawa at pagtitiyaga. Isang
bagay na ninais ibahagi ni Juan sa kanyang mga alagad sa pamamagitan ng
pagbibigay sa kanila ng pagkakataong masaksihan ang kaganapan ng
kanilang inaasahan.
Ang pagsusugo ni Juan ay
pagsusugo ng isang tao upang ang mga tao ay magtungo at makatagpo ang
Diyos.
Ang Pagsusugo ni Jesus ay
pagsusugo ng Diyos upang ang mga tao ay magtungong muli sa mga tao at
ibahagi ang kasiyahan sa likod ng Mabuting Balita: Naririto na ang ating
inaasahan, naririto na ang ating hinihintay.
Ang misyon ng bawat kristiyano
ay ang pagtungo kay Kristo, katulad ng pagsusugong ginawa ni Juan, upang
kilanlin siya, mahalin, kagiliwan, pagmasdan at pakinggan at ang muling
pagbalik sa mga tao upang muli Siyang ipakilala upang sila man ay
matutong, kumilala, magmahal, tumingin, making at magbahagi ng
kagalakang dulot ng katotohanan: dumating na ang ating inaasahan,
dumating na nga ang ating hinihintay.
Dumulog tayo sa ating Mahal na
Ina, ang ating Pag-asa, na nawa, sa tulong ng kanyang paggabay mas
marami pang mga tao ang maaari nating isugong lumapit sa kanyang Anak na
magsusugo sa kanilang ibahagi ang kagalakang dulot ng isang matiyagang
paghihintay at isang masayang pag-asa.
Back
to Top
17 Diciembre 2007
(Lunes)
Genesis 49, 2. 8-10
Salmo 71, 2. 3-4ab 7-8. 17
Mateo 1, 1-17
Napakaraming pangalan, ilang
sali’t salin lahi ang ating napakinggan sa Mabuting Balita, pero ano nga
kaya ang kahulugan ng bahaging ito ng Banal na Kasulatan. Walang
hayagang pagtuturo ang ating Panginoon pero ang hinahanap natin ay ang
aral at hamon na maaaring matutunan at isabuhay ng bawat isa dala ng
Mabuting Balitang ito—Ang ating Panginoon at ang kanyang angkan.
Malimit nating marinig ang
salawikaing : “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ay
hindi makararating sa kanyang paroroonan” Isang bagay na nagpapahayag ng
utang na loob o ng kahalagahan ng pagtanaw ng utang na loob. Sa isang
banda isang paanyaya ng pagpapasalamat sa kung kaninuman tayo ay may
pinagkakautangan ng loob. Sa likod ng pagpapasalamat ay ang
kapakumbabaan ng pagtanggap ng kung ano man ang ating ipinagpapasalmat.
Gayun pa man ang bagay na ito
ay nararapat sa bawat tao na kailangang kumilala at magpasalamat sa
Diyos na nagbigay ng lahat ng mayroon tayo. Pero ang nakakagulat sa
bahaging ito ng Mabuting balita, ang Diyos Anak sa kanyang pagkakatawang
tao ay nagsabuhay ng kamangha-manghang kababaan ng loob, sa paglingon sa
isang ankan upang ankining ito ang kanyang pinaggalingan.
Ang Diyos na walang simula at
walang katapusan ay lumilingon sa mga taong, inaangkin niya bilang
kanyang angkan, nakaraan at pinanggalingan. Sa pagtanggap niya ng
kanyang “pinanggalingan” nililimot Niya na Siya ang “Simula.” Lumilingon
siya mula sa kanyang kasalukuyan ang kanyang “tinunguhan,” habang
nililimot niya na Siya ang “Wakas.”
“Ginawa niya ang
pagpapakumbabang ito hindi upang sirain ang kanyang sarili kundi upang
samahan ang mga nasa ibaba sa kanyang muling pagakyat.”[i]
Isang napakagandang
paglalarawan ang ibigay ni San Juan Crisostomo sa isa sa kanyang mga
homiliya, ang “synkatabasis” o ang pagbaba na ang dahilan ay ang
pag-akyat na muli kasama ng mga nasa ibaba.
Ang pagaangkin ng ating
Panginoong Hesukristo sa isang angkan na halos ang bawat bahagi ay may
kanya-kanyang kahinaan ay nangangahulugan ng pagaanyaya ng Diyos na
mapabilang ang bawat mag-anak sa kanyang mismong angkang nilinis,
ibunukod at pinabanal. Ang ugat ng bagong angkang ito ay ang
pakikibahagi sa kanyang pamilya. Sa pakikibahagi ng Diyos sa mag-anak ng
sangkatauhan, ibinibigay ang bagong pag-asa na ang bawat pamilya ay
maging bahagi ng kanyang pamilya, ang banal na mag-anak, ang banal na
pamilya ng Betlehem.
Sa buhay ng bawat Kristiyano,
sa ating paghahanda sa pagdating ng kapaskuhan ibinibigay na hamon sa
bawat isa na maging tunay na bahagi ng pamilya ng ating Panginoon. Gawin
nating Belen ang bawat pamilya at ang bawat tahanan na may pagsusumikap
na kilanlin, tanggapin at mahalin ang ating Panginoon. Nagsimula ang
ating Panginoon sa pagpapatawad, paglimot ng kahinaan at kasalanan ng
ilan sa mga naging bahagi ng kanyang angkan: ito rin ang susi sa
pakikiisa sa kanyang bagong angkan, ang muling pagsisimula ang
paulit-ulit na pagpapatawaran.
Hilingin natin ang panalangin
at paggabay ng ating Mahal na Ina, ang Reina ng bawat Pamilya, nawa
akayin niya tayo sa tunay na pagkilala at pagpapatawad sa bawat kapatid
sa likod ng bawat tao at bawat kristiyanong inaayayahang maging bahagi
ng Banal na Pamilya. Amen.
Back to Top
18 Diciembre 2007
(Martes)
Jeremias 23, 5-8
Salmo 71, 2. 12-13. 18-19
Mateo 1, 18-24
“Parang angel” yan ang tawag
natin sa mga taong may angking kabaitan o may angking di pangkaraniwang
kagandahan. Isang paghahalintulad ng mga taong nabanggit sa mga nilalang
na ang tanging ginagawa ay kabutihan at kabutihan lamang.
Ang katotohanan na pagiral ng mga anghel
at ng kanilang paggawa sa kasaysayan ng sangkatauhan ay kinikilala ng
simbahan kahit hindi ito pinakamahalagang bahagi ng mga katotohanang
ating sinasampalatayanan. Sa maraming bahagi ng Banal na Kasulatan
maaari nating mabasa at mapakinggan ang paggawa at pagtulong ng mga
anghel sa buhay ng maraming mga tao na sumasmpalataya at kumikilala sa
Diyos. Sa Mabuting Balita ating napakinggan kung paanong ang isang
anghel ay nagbigay ng lakas ng loob upang kilanlin ni Jose ang pagtawag
sa kanya ng Diyos na magging kabiyak ni Maria at Amang kikilanlin ni
Hesus.
Ang salitang griyego άγγελος (aggelos)
na ngangahulugang “mensahero” o “tagapaghatid-balita” ay nagpapakilala
ng “paggawa” ng mga angel at hindi ng kanilang tunay na natura. Ang
anghel sa panaginip ni Jose ay naghatid ng Mabuting Balita na darating
na ang Mesiyas at sa katunayan ay dumating na. Kalakip ng balitang ito
ang pagtawag ng Diyos kay Jose: ang pag-aalaga sa Mesiyas na sanggol
bilang isang ama. Ang “bokasyon” ni Jose ay ipinakilala sa kanya sa
pamamagitan ng isang panaginip at sa pamamagitan rin ng isang angel. Ito
rin ang naganap sa buhay ni Maria, sa pagpapahayag ng isang anghel
nakilala niya ang kanyang “bokasyon” na maging Ina ng Mesiyas. Sa marami
pang mga tao sa banal na kasulatan gayun din sa kasaysayan ng
sangka-kristiyanuhan nadama at naranasan ang paggawa, pagtulong at
paggabay ng mga anghel, lalo’t higit sa pagkilala nila ng kanilang
bokasyon o ng pagtawag ng Diyos para sa kanila.
Sa bawat araw ng lingo, sa mga araw na
ito ng Misa de Gallo, sa araw ng mga dakilang kapistahan tulad ng araw
ng pasko, inaawit natin ang “Gloria.” Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan,
at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya… Hindi natin
talos, inaangkin nating mga salita ang salita ng mga anghel. Pagpupuri
sa Diyos at paghahangad ng kapayapaan. Ito ang paglalarawan ni Propeta
Isaias sa unang pagbasa sa pagpapahayag ng pagdating ng “Sangang Matuwid,”
ang pamumuhay sa lupa ng may kapayapaan.
Ang bawat angel ay isinusugo ng Diyos na
maghatid ng Mabuting Balita, pagtulad kung paano sila magpuri sa Kanya,
ang paghahangad nga kapayapaan sa sanlibutan. Sila ang mga misyonero ng
Diyos patungo sa mga tao. Marahil hindi na kailangang bumaba ng mga
anghel dito sa lupa kung ang bawat kristiyano ay mamumuhay ng tunay na
katapatan sa pagtawag ng Diyos sa bawat isa: pagbibigay ng mabuting
halimbawa, munting pagtulong sa kapwa, katapatan sa ating pagdarasal,
pagmamahal sa mga sakramento, paggalang sa mga bagay na banal,
pagpapalaganap ng kapayapaan; lahat ng ito ay mga detalyeng pwedeng
isabuhay upang tayo man ay maaaring maihalintulad sa mga anghel at
tawaging : “parang mga anghel”
Lumapit tayong muli sa ating Ina, ang
Reyna ng mga anghel, sa kanya nawang halimbawa maisabuhay natin ang
paggawa ng mga anghel, tagapaghatid ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng
pagpupuri sa Diyos at paghahangad ng kapayapaan sa bawat tao dito sa
Lupa. Amen.
Back
to Top
19
Diciembre 2007
(Miercoles)
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a
Salmo 70, 3-4a. 5-6ab. 16-17
Lucas 1, 5-25
Shopping dito,shopping doon, sale
dito,sale doon, Christmas tree, padamihan ng Christmas lights, balot
nang balot ng regalo, Christmas party, padalahan ng Christmas card,
pasahan ng Christmas greetings sa text, pagluluto ng kung anu-ano; yan
ay ilan lamang sa napakadaming paghahanda na ating ginagawa kapag
darating na ang kapaskuhan. Septiembre pa lamang sinimulan na ang mga
paghahandang ito. Pero ito na nga lang kaya ang paghahanda na maaari
gawin ng bawat tao.
Ang paghahanda na ginawa ng Diyos para
sa kanyang mismong pagdating ay ang pagpapabanal ng mga taong maghahanda
rin sa kanyang pagdating. Sa unang pagbasa napakinggan natin kung
paanong sa Lumang Tipan, ibinibigay na larawan ni Juan si Samson na
pinagpala ng Panginoon at nilukuban ng kanyang Espiritu. Siya ay
itinalaga sa Kanya upang magsimula ng pagliligtas sa Israel mula sa mga
kaaway nito.
Ito rin ang naganap sa buhay ni Juan,
pinuspos siya ng Espiritu Santo upang panumbalikin ang mga Anak ng
Israel sa Panginoong Diyos.
Habang abalang-abala tayo sa
napakaraming makatao, makamundo at mga material na paghahanda, nagaganap
rin sa atin ang pag-kabinging naganap kay Zacarias dahil sa ating labis
na makataong pananaw upang hindi mapakinggan ano ang tunay na diwa at
mensahe ng Pasko. Kalakip ng ating pagkabingi ay ang ating pagka-pipi
upang ibahagi sa iba ang mensahe at Mabuting Balitang hatid ng Pasko.
Kapag makatao lamang ang ating pananaw,
ang Belen sa ating mga bahay ay nagsisilbing “Christmas decor” lamang,
palamuti at hindi ang tunay na mahalaga. Sa isang maka-Diyos at
maka-kristiyanong pananaw, ang Belen ay isang tanda kung saan maari
tayong humarap at magpugay sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananahimik
at pananalangin sa harap ng pampaskong altar na ito.
Kapag makatao lamang ang ating pananaw,
ang Christmas Carols ay mga kanta lamang na bumabagay sa panahon at
hindi natin napapakinggan ang mga panalangin sa likod ng mga kantang ito.
Kapag makatao lamang ang ating pananaw
ang pagbibigay ng regalo ay pagpapahayag lamang ng isang kaugaliaan, at
hindi daan ng pagbibigay ng larawan ng pagmamahalan at pagpapatawaran.
Kapag makatao lamang ang ating pananaw,
ang Noche Buena ay nagsisilbing “status symbol” lamang upang ipahayag sa
mga dumudulog ang karangyaan ng ating “handa” at hindi nakikita na ito
ang pagkakataon upang ipahayag at pahalagahan ang pagsasamasama at higit
pa rito ang pagsasalu-salo bilang larawan ng Eucaristia sa ating mga
tahanan.
Kapag makatao lamang ang ating pananaw,
ang nakikita lamang natin ay isang sanggol, isang maliit na tao, at
hindi ang Diyos na nagkatawang tao.
Ito ang dahilan kung bakit may Pasko,
upang simulan nating Makita na ang mismong Sanggol na ito ay ang Diyos
na nagnanais baguhin ang pananaw ng mga tao na nakatitig palagian sa mga
bagay sa daigdig na ito; sa gayon ay tingnan at maranasan na ang bawat
bagay sa mundong ito ay hindi ang ating patunguhan, tulad ng pananaw na
bigay ng mga tao, kundi ang ating daan upang muling ibalik ang lahat
lahat sa Diyos habang tayo ay lumalapit patungo sa kanya.
Sa bingyag,
tinanggap natin ang pagtatalagang naganap kay Samson, sa kumpil
pinupuspos tayo ng mismong Espiritung pumuspos kay Juan, mga taong
pinabanal ng Diyos upang maghanda rin sa pagdating niya. Ang bawat
kristiyano ay mga taong pinabanal ng Diyos upang ihanda ang kanyang
muling pagdating, ito ang ating misyon, isang regalo, isang tungkulin.
MGA KRISTIYANO, mga
taong pinabanal ng Diyos! Mananatili na nga lang kaya tayo sa ating mga
makataong paghahanda? Sa ating makataong mga pananaw?
Makinig.
Magpahayag.Magbahagi. Huwag manatili sa ating pagkapipi. Huwag manatili
sa ating pagkabulag at pagkabingi.
Mahal na Ina ng
laging saklolo, ituon mo po sa amin ang mga mata mong maawain at nawa sa
mga araw na ito ng aming paghahanda sa pagdating ng kapaskuhan, tunay
mong ipakita sa amin ang iyong Anak na si Hesus.
Back to Top
20
Diciembre 2007
(Jueves)
Isaias
7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Lucas 1, 26-38
Sa pagtatapos ng
ilang mga seminarista sa minor seminary sumalilalim ang mga ito sa isang
banal na pagsasanay upang surian ang bawat isa kung talagang sa
pagpapari nga sila. Isa sa mga ito, sa kanilang pakikipag-usap o
colloquium sa retreat master ang nagpahayag ng kanyang pangangamba at
pagkatakot dala ng kawalan ng kasiguraduhan sa mga maraming mga taon na
magdaraan pa bago sumapit ang kaganapan ng pagtanggap ng banal na orden.
Mayroong pagtatanong, “para dito nga kayo ako o ngayon pa lamang ay
lalabas na ako ng seminaryo para wag magsayang ng oras?”
“Just go on. If God calls you, God will
help you.Kung tinatawag ka ng Diyos, tutulungan ka ng Diyos.” Ang mga
salitang ito na nagmula sa pari ang tanging pinanghawakan ng
seminaristang nangangamba na pagkalipas ng maraming taon, ngayon ay pari
na.
Sa bawat kasaysayan ng “bokayon” o ng
pagtawag ng Diyos, lagi itong may kalakip na pagkatakot o pangamba sa
bahagi ng bawat tinatawag. May mga pagtatanong sa Diyos at maging sa
kanyang sarili. Sa kabila ng lahat ng ito ay ang pagpapalakas ng loob na
nagmumula sa Diyos. At sa kahulihulihan ay ang biyaya na nagsisilbing
tulong na nagmumula sa Diyos upang maging gabay sa pagtalima ng bawat
tinatawag.
Pagkatakot.
Pagtatanong.
Pagpapalakas ng loob.
Biyaya at tulong mula sa Diyos.
Pagtalima.
Lahat ng ito ay maaari nating makita
maging sa pagsasalaysay ng pagtawag ng Diyos sa ating Mahal na Inang si
Maria.
“Nagulumihanan siya at inisip ano ang
kahulugan ng balitang hatid ng anghel…” --Ang pangangamba at pagkatakot.
“Paanong magyayari ito gayong ako’y
dalaga?” --Ang pagtatanong.
“Huwag kang matakot, sapagkat
kinalulugdan ka ng Diyos” --Ang pagpapalakas ng loob mula sa Diyos.
“Ako’y alipin ng Panginoon, maganap nawa
sa akin ang iyong sinabi.” –Ang pagtalima.
Isang kaibigan ang nagsambit: “bakit ang
hirap maging mabuti?” Sa isang maikling tanong na ito, maaari nating
matagpuan ang “pagkatakot.”
Nakakatakot maging mabuti dahil mahirap
maging mabuti. Ang buong pangungusap ay isang “pagtatanong.”
Kapag sinabing “mahirap” hindi sinasabing
“imposible” kung kaya nga isang pagpapalakas ng loob na ang
pagpapakabuti ay pwede at possible kahit ito ay mahirap.
Ang pagpapakabuti, kahit kailan ay hindi
maaaring ipagsapilitan kung kaya nga sa mga nagsusumikap magpakabuti
nagaganap ang pagtalima sa paanyaya tungo sa kabutihan.
Pero isang bagay ang nakakapagtaka, hindi
tayo inaanyayahan ng Diyos sa tungo kabutihan. Inaanyayahan tayo ng
Diyos sa isang bagay na lalong mas mahirap at mas nakakatakot isabuhay:
“Maging banal kayo tulad ng aking Amang nasa langit.”
Higit pa sa kabutihan, ang pagtawag sa
bawat tao ay ang pagtungo sa kabanalan.
Tulad ng ginawa ni Acaz, hindi na rin
kailangang humingi ng palatandaan kung tinatawag nga tayo tungo sa
kabanalan o hindi, dahil ang Panginoon na rin ang nagbigay nga
palatandaan: Naglihi and isang dalaga, nanganak ng lalaki; at sa kanyang
pagtalima pinabanal siya ng Diyos dahil tunay nga, mahirap man ang
magpaka-banal, hindi ito imposible.
Santa Maria Ina ng Diyos,ipanalangin mo
kaming mga natatakot, nangangamba at nagtatanong upang maging sapat na
lakas ng loob namin ang katotohanang ang bawat tinatawag ng Diyos ay
tinutulungan nga Niya, upang sumunod at tumalima and bawat isa katulad
ng iyong ginawa. Amen.
Back to Top
21
Diciembre 2007
(Viernes)
Awit 2, 8-14
Salmo 32, 2-3. 11-12. 20-21
Lucas 1, 39-45
Isa sa maraming mga bagay na umaagaw ng
ating pansin ay ang mga larawan. Isang litrato, isang billboard, mga “tarpaulin,”mga
larawan sa mga magasin o sa dyaryo. Mas maganda kung lalagyan ng tugtog
o awitin ang isang larawan. Kapag pinagsama sama ang mga larawan at ang
isang tug-tog o awit, pwedeng makalikha ng salaysay. Kapag gumagalaw na
ang mga larawan, lalo pang mas maganda at may buhay. Kung kaya nga aliw
na aliw tayong manood ng T.V. dahil dito ipinalalabas ang maraming mga
larawan. Kung hindi man ang T.V. ang ating kinagigiliwan, naririyan din
ang Cine, pagpapalabas ng iba’t ibang larawan.
Napakalaki ng naitutulong nga mga larawan
sa pagtuturo sa bawat tao. Natutunan natin ang pagsusulat, pagbasa, pag
unawa ng unang mga koncepto, salamat sa maraming mga larawang ipinakita
sa atin ng tayo ay mga bata pa. Sa likod ng mga pinagsama-samang mga
larawan, may mga kwentong pwedeng isalaysay at sa likod ng bawat kwento
ay may mga mensahe na maaari at marapat nating isabuhay.
Ang mga pagbasa sa araw na ito ay punong
punong ng mga larawan. Pero hindi lamang ang larawan ang ating titingnan,
kundi pati na rin ang kwento na kanilang isinasalaysay, at sa likod ng
kanilang kwento, ano ang mensahe na dapat nating isabuhay.
Mula sa aklat ng mga Awit, isang larawan
kung paano isanasalaysay ang pagibig ng Diyos sa bawat tao. Ihinahambing
sa pag-ibig ng isang binata na naghahanap sa kanyang iniibig na
palagiang nagtatago at nagkukubli. Gaano man karaming kasamaan,
kasalanan, kapusukan, kasakiman at kabuktutan na pwede nating maranasan
sa ating buhay, ang Diyos na ating mangingibig ay palagiang naghahanap
sa kabila ng ating pagkukubli.
Ang unang larawan na ating natunghayan ay
kung paanong umibig ang Diyos sa bawat tao.
Larawan pa rin ng pag-ibig ang ibinibigay
sa atin ng Mabuting balita. Sa bawat pagdarasal ng natin ng Rosaryo, sa
bawat pag sasambit ng “Aba Ginoong Maria” ibibigay sa ating ang eksena
na binubuo ng larawan na ating natunghayan sa narinig nating Mabuting
Balita. Ang pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Santa Isabel ay
nagpapaalaala sa atin ng isang bahagi ng ating dalangin “Bukod kang
pinagpala sa babaing lahat at pinagpala naman ang iyong dinadalang anak.”
Sa unang pagbasa ibibigay sa ating
larawan ang paghahanap ng mangingibig sa kanyang sinisinta. Sa bahaging
ito ng Mabuting Balita, ipinababatid sa atin sa pamamagitan ng
pagdadalang tao ng Mahal na Birhen ang pagtatapo ng Diyos na umiibig at
ng tao na kanyang iniibig. Ang ating Panginoon at ang ating Mahal na Ina
ang unang larawan ng pagtatagpo ng dakilang pagibig na ito.
Ang pagkukubli o ang pagtatago sa unang
pagbasa ay nagpapakilala ng paglagi sa “estado ng kasalanan.” Pero
pagkatapos ng pagkatagpo ipakikita ang paglantad ng “sinisinta” upang
ibahagi ang kagandahan at kasaganaan sa pagtanggap niya ng pagibig, sa
pamamagitan ng paggawa ng kabutihan.
Kapag hinayaan natin ang Diyos na
matagpuan tayo sa gitna ng ating mga kahinaan, hinahayaan nating mahalin
niya tayo, panibaguhin at akaying muli sa paglantad sa paggawa ng
kabutihan.
Tanging kabutihan at kabutihan lamang ang
maaaring magmula sa buhay ng bawat Kristiyano, dahil sa buhay ng bawat
isa patuloy na isinasalaysay kung paanong ang Diyos ng pagibig ay
patuloy na naghahanap at nakikipagtagpo sa atin.
Akayin nawa ng bawat isa ang napakaraming
mga taong hinahapap ng Diyos, upang sila man ay makaranas ng kagalakan
at kasaganaan kung paano ang matagpuan at mahalin ng Diyos na ating
mangingibig. Marahil hindi na kailangan ng mga salita, sapat na ang mga
larawan ng ating mabuting halimbawa at mabuting paggawa.
Back
to Top
22
Diciembre 2007
(Sabado)
1 Samuel 1, 24-28
1 Samuel 2, 1. 4-5. 6-7. 8 abkd
Lucas 1, 46-56
Isang Filosofong Frances ang nakipanayam
kay Papa Juan Pablo II at nagtanong ng ganito:
--“Kung meron pong isa lamang pangungusap
na maaari ninyong itira mula sa Banal na kasulatan, alin pong
pangungusap iyon?”
Hindi nagdalawang isip ang banal na papa:
“Veritas, liberavit vos”[ii]
“Ang Katotohan ang magpapalaya sa inyo”
Ang pangungusap na ito ng ating
Panginoong Hesukristo ay isang paanyaya tungo sa tapat at palagiang
pagtangkilik at pagmamahal sa katotohanan. Ang pagmamahal sa katotohanan
ay pagmamahal sa Diyos, na nagpapakilalang Siya ang katotohanan.
Sa mga pagbasa, ating matutunghayan ang
pagkilala sa katotohanan, pagkilala ng mabubuting karanasang handog ng
katotohan—kumikilos ang katotohanan sa ating buhay at ang tangi nating
magagawa upang magpasalamat ay ang pagpupuri sa Kanya na ugat ng lahat
ng katotohanan at kabutihan.
Sa unang pagbasa ating napakinggan kung
paanong si Ana, ang ina ni Samuel ay naghandog sa templo, nagpasalamat
sa katuparan ng kanyang kahilingang magkaroon ng anak, naghandog sa
Diyos ng mga alay, gayun din ng kanyang mismong anak at pagkatapos ng
lahat ng ito “nagpuri sa Panginoon.”
Ang katotohanan para kay Ana: kumilos ang
Diyos sa kanyang buhay.
Ang tangi niyang magagawa ay ang
pag-balik sa Diyos at pag-papasalamat sa pamamagitan ng “pagpupuri sa
Kanya.”
Ang tugon sa mga taludtod ng salmo ay
isang buod ng pagkilala sa Diyos ng katotohanan: “Diyos kong
tagapag-ligtas, pinupuri kitang wagas.”
Ang katotohanan para sa salmista: Ang
Diyos ang Siyang nagligtas sa kanya.
Ang tangi niyang magagawa ay kilanlin ang
katotohanang ito sa pamamagitan ng “pagpupuri sa Kanya ng wagas.”
Gumagawa ang Diyos ng mabubuting bagay sa
ating buhay at sa ating kapakumbabaan ang tangi nating magagawa ay
kilanlin na tunay ngang Siya ang nasa likod ng lahat ng mga kabutihang
ito.
Ito rin ang kabuuan ng Mabuting Balita na
ating napakinggan; isang awit ng ating Mahal na Inang si Maria, umaawit
ng papuri sa Diyos dahil sa paglingap Niya sa kanyang abang alipin.
Ang katotohanan para kay Maria: Mga
dakilang bagay na ginawa sa kanya ng Makapangyarihan.
Ang tangi niyang magagawa upang
magpasalamat: kilanlin ang katotohanang ito sa pagsambit ng pagpupuri sa
Diyos: “Ang Puso ko’y Nagpupuri sa Diyos…”
Dito natin matutunghayan ang isa sa mga
napakahalagang mga mukha ng panalangin na itinuturo sa atin ng Katesismo
ng Simbahan: ang Pagpupuri sa Diyos, ang pagpapasalamat sa Diyos, ang
paghingi ng tawad sa Kanya at sa kahuli-hulihan ay ang paghingi natin o
ang paghiling. Sa konteksto ng mga pagbasa, bibigyang pansin natin ang
isang mukha ng ating pananalangin o pagdarasal: Ang pagpupuri sa Diyos.
Hindi kaya nag-aaksaya lamang tayo ng
panahon sa pagsasambit ng mga salita ng pagpupuri sa kanya? Alam na
Niyang Siya ay dakila, makapangyarihan, mabuti, mapagmahal at kung
anu-ano pang mga kabutihan na maaari nating matagpuan sa kanya.
Meron pa bang maidaragdag sa kabutihan ng
Diyos ang pagpupuri natin sa kanya?
Marami pang mga katanungan ang maaari
nating ihanay tungkol sa kahalagahan ng pagpupuri sa Diyos.
Kung ano pa man ang maisipan nating
maisagot, lagi pa ring mananatiling magka-iba ang isang taong nagpupuri
sa Diyos at ang isang taong hindi nagpupuri sa Kanya.
Ano ang kahalagan ng pagsasambit ng “I
love you” o “mahal kita” ng isang mister sa kanyang misis?
O ng isang anak sa kanyang tatay?
May malaking kaibahan pa rin ang
pagsasambit o hindi pagsasambit ng ilang mga katagang ito.
Ano ang kahalagahan ng pagbibigay ng
isang medalya sa isang mag-aaral na alam ng buong paaralan na tunay na
may angking talino? O ng isang trophy sa isang team na alam nating tunay
na kampeon? May maidagdag pa nga kaya ang mga itong galing o talino sa
mga taong ito?
Pero may malaking kaibahan pa rin ang
pagbibigay ng medalya at hindi pagbibigay; may malaking pagkakaiba ang
pagbibigay ng trophy at hindi pagbibigay.
Hindi kailangan ng Diyos na marinig ang
mga katagang “I love you” o “mahal kita;” ni hindi niya kailangan ng
medalya o trophy. Pero sa likod ng iba’t-ibang pamamaraan ng ating
pagpupuri sa kanya, nasa atin ang pangangailangan upang papurihan siya.
Sa likod ng ating pagpupuri ay ang
paglapit natin sa katotohana at pag-kilala sa katotohanang tunay na
kumikilos ang Diyos sa ating buhay.
Hindi natin talos kung ano ang magagawa
nito para sa Diyos, pero nakasisigurado tayong malaki ang magagawa ng
pagkilala ng katotohanan para sa atin.
May malaking pagkakaiba ang pagkilala sa
katotohanan at hindi pagkilala sa katotohanan. Sa likod ng isang munting
pagpupuri ay isang napakalaking hakbang ng paglapit sa katotohanang alam
na nating magpapalaya sa bawat isa.
Nasaan ang malaking pag-kakaiba ng isang
taong nagpupuri sa Diyos at ng isang taong hindi nagpupuri sa kanya?
Marahil hindi madaling mabatid dito sa lupa, pero batid ng Diyos ang
malaking pagkakaibang ito. Ang tangi nating magagawa ay ang paglikha ng
isang malaking pagkakaiba sa pammagitan ng isang munting pagpupuri Diyos,
ang Katotohanang magpapalaya, nagpapalaya at magpapalaya sa bawat isa.
Hilingin natin ang pamamatnubay ng ating
Mahal na Inang sa Maria, na nawa sa tulong ng kanyang halimbawa, ang
ating buhay ay maging buhay na awit ng pagpupuri sa Diyos, pagkilala sa
kanyang kadakilaan –ang paglapit natin at pagmamahal sa Katotohanan.
Back
to Top
23
Diciembre 2007 (Ika-apat na Linggo sa panahon ng Adviento)
Isaias 7, 10-14
Salmo 23, 1-2. 3-4ab. 5-6
Roma 1,1-7
Mateo 1,18-24
“Lights! Camera! Action!”
Yang mga salitang yan ang lagi ating
naririnig kapag may rodahe o “shooting” ng isang pelicula. Ilang mga
salita na nagsisilbing utos ng direktor sa iba’t ibang mga tao. “Lights”
Ito ang utos para sa mga tagapamahala ng ilaw. “Camera” Para sa mga
cameramen at “action” para sa mga artista na gumaganap sa isang pelicula.
Sa isang tanyag na tanyag na Academia
malimit nating naririnig ang pagbibigay ng “Oscars” para sa mga taong
kinikilala sa kanilang pag-arte o pag likha ng pelicula. Pero mas
malimit mabangit ang mga panglan ng mga aritista at mga direktor. Parang
hindi pa yata naririnig ang isang Oscar award na ibinigay sa isang “lightsman.”
Akala ng marami hindi mahalaga ang kanyang papel. Pero hindi maaaring
kuminang ang galing ng isang aritista kung wala ang taga pamahala ng
ilaw. Hindi maaaring kilanling magaling ang isang direktor kung puro
kadiliman lamang ang maaaring makita sa kanyang pelikula.
Sa ganitong pamamaraan natin titingnan
ang pagkilala na ginawa ng Mabuting Balita upang bigyang pansin ang
kahalagahan ng mga taong napakalaki ng nagawa para sa kasaysayan ng
Katubusan ng sandaigdigan, hindi man talos ng karamihan ang kanilang
kahalagahan. Marahil kung ihahambing natin ang pagliligtas na ginawa ng
Diyos, ang dakilang “Direktor,” makikita natin na ang bida ay walang iba
kungdi ang ating Panginoong Hesukristo. Isama na rin natin ang Mahal na
birhen sa tagpong ito. Ang mga propeta at mga ebanghelista ang mga
“cameramen” na silang nag-iipon ng iba’t-ibang larawan ng pagkilos at
paggawa ng Diyos. Pero may mga tao na walang hayagang pagsasalita o
paglantad sa entablado ng kadakilaan, pero pinili ng Diyos at dinakila
na maging bahagi ng kasaysayan ng pagliligtas. Marahil si Jose ang
maituturing na dakilang “lightsman.” Nagningning ang banal na sanggol,
salamat sa pagtugon ni Jose sa pagtawag ng Diyos sa kanya. Ang ating
Panginoong Hesukristo na nagpapakilalang “ilaw” ng sanlibutan ay “umasa”
sa pagtugon ng isang payak na tao sa katauhan ni Jose. Isang hiwaga ng
dakilang kapakumbabaan ng Diyos, inaasahan niya tayo; ang ating
pakikilahok at ang ating pagkilos.
Kung susuyurin natin ang banal na
kasulatan, ni isang salita, walang nabanggit ang ating mahal na patron.
Pero ang kanyang buhay ay isang maningning na halimbawa ng isang tunay
na paggawa.
Sa unang pagbasa, muling inuulit sa
atin ang kasiguraduhang bigay ni Propeta Isaias: “maglilihi ang isang
dalaga at manganganak ng lalaki at ito’y tatawaging Emmanuel.”
Isang “trailer” kung saan ipinakikita
kung sino ang magiging bida: Ang ating Panginoon at ang Mahal na Birheng
Maria. Pero kung ang pasko ay pagdiriwang at pakikiisa kasama ng banal
na pamilya, bakit hindi nabanggit ang isang “binata” na magsisilbing
pagpapakilala kay San Jose? Marahil para bigyang diin ang pagiging
dalaga ng ating Mahal na Ina, na hindi nakakilala ng sinumang lalaki.
Pero para maganap ang nabanggit ng propeta, maging ang Diyos ay “umasa”
sa tulong ng isang dakilang tao—si Jose na kakatawan sa amang ituturing
ng ating Panginoon mismo.
Ang larawan ni Apostol San Pablo,
tagapagdala ng Mabuting Balita sa iba’t ibang bayan ng mga hentil, upang
ipakilala ang pagdating ng Mesiyas ay inilarawan na sa pamamagitan ng
paggawa ng isa pang “apostol” na nauna nang dalhin ang Mabuting Balitang
ito sa kanyang katauhan sa bayan ng mga “hentil.” Si San Jose ay isang
tagapaghatid ng Mabuting Balita, hindi sa salita, kundi sa kanyang tapat
na pagsunod sa kung ano man ang kalooban ng Diyos sa bawat sandali na
siya ay inatasang maglingkod.
Nakakatuwang tingnan ang eksena ng pag-oo
ni Jose sa kalooban ng Diyos. Ni isang salita, walang sinambit pero sa
huling bahagi ng Mabuting Balita ating napakinggan: “nang magising si
Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.”
Sa araw ng kapistahan ng Banal na
mag-anak, muli nating matutunghayan ang pagsunod ni Jose sa kalooban ng
Diyos. Ni isang salita walang sinambit pero nagmamadaling lumisan upang
magtungo sa Egipto para dalhin ang Mabuting Balitang ipahahayag ni
Apostol San Pablo sa mga hentil. Bago ito nagawa ni San Pablo,
naisabuhay na ito ni San Jose, ang misyonero ng Diyos na nagpahayag ng
Mabuting balita, hindi sa salita kundi sa tapat na paggawa habang
sumusunod sa kalooban ng Diyos.
Ang hamon sa bawat isa ay ang pagtulad
sa pagpapahayag ng Mabuting Balita na isinabuhay ni San Jose. Hindi
lahat ng Kristiyano ay inaasahang umakat sa entablado, o ang makita sa
altar o ang manirahan sa mga kumbento. Bawat Kristiyano ay may kanyang
papel na dapat gampanan. Hindi man tayo makatanggap ng Oscars dito sa
lupa, tanging ang Diyos ang magbibigay ng tunay na pagkilala, isang
pagkilala na siya ang tunay na mahalaga.
Hindi nakatanggap ng “Oscar” si San
Jose, pero katulad ng pagninilay ng isang paring banal na sumakabilang
buhay na mula sa ating Arsidiyosesis, si San Jose ang kaisaisang tao na
tinawag ng Diyos na kanyang “ama”. Hindi pa kaya sapat na titulo ng
bawat Kiristiyano ang pagiging Anak ng Diyos, Kapatid ni Kristo o templo
ng Espiritu Santo. Sa likod ng bawat kristiyano ay may nakatagong
misyonero na inaasahang maghatid ng Mabuting Balita, hindi man sa ating
pagssasalita, pero sapat na ang ating paggawa, pagsisimula sa pagsunod
sa kung ano man ang nais iutos ng Diyos.
Hindi ito isang pelicula pero mahalaga
paring pakinggan kung ano ang utos ng Direktor: may utos ang Diyos kapag
napapakinggan nating sambit niya: Lights, Camera, Action! Ang Paglilos
at paggawa higit sa pagsasalita.
Back to Top
24
Diciembre 2007
(Lunes)
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a 16
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29
Lucas 1, 67-79
Bawat pagkakataon ng ating pakikisalamuha
sa ating kapwa tao ay pwedeng magkaroon ng iba’t-ibang kahulugan depende
sa konteksto ng ating pakikisalamuha. Ang isang guro na nagsasalita at
ang isang mag-aaral na nakikinig ay nasa isang dialogo o pakikisalamuha
na ang tawag natin ay pag-aaral. May nagsasalita at mayroon ding
nakikinig. Kapag dalawa o tatlong lalaki ang nagkwekwentuhan sa harap ng
ilang bote ng beer, ang tawag natin dito ay “inuman”, dialogo,
pakikisalamuha, may nagsasalita at may nakikinig pero sa ganitong
konteksto ang tawag nga natin ay “inuman.” Sa isang dalaga at isang
binata na nagkakaibigan, ang tawag natin ay “ligawan.” Sa dalawang
mag-kaibigaan ang pakikisalamuha ay tinatawag nating “kwentuhan” o sa
isang salitang kalye “chikahan” o “kumustahan.” Bigyang pansin natin ang
elemento ng dialogo o ng pakikisalamuha: ang nagsasalita at ang
nakikinig.
Sa mga pagbasa sa araw ito na bibigyang
pansin natin kung paanong ang bawat tao ay may kakayahang makisalamuha
sa Diyos, ang Ama, ang Anak at ang Espiritu Santo. Sa bawat dialogo o
pakikisalamuha, may nagsasalita at mayroon ding nakikinig. Pero higit pa
sa isang kwentuhan, “inuman”, “chikahan” o “ligawan,” ang tawag natin sa
ating pakikisalamuha sa Diyos ay panalangin. Bibigyang pansin natin na
ang panalangin ay hindi isang tungkulin ng bawat kristiyano kundi isang
tunay na pangangailangan. Nararamdamam natin ang pagkakaiba ng isang
buhay na may panalangin o pakikipagusap sa Diyos at isang buhay na
walang pagpapahalaga sa pakikisalamuha sa Diyos, gayun din ng mga taong
nagdarasal at mga taong hindi nagdarasal.
Sa unang pagbasa napakinggan natin kung
paanong ang Diyos ay nagsalita kay Natan. May nagsasalita, ang Diyos; at
maroon ding nakikinig, si Natan. Isang bahagi ng ating panalangin ay ang
pakikinig.
Sa Mabuting balita napakinggan natin kung
paanong si Zacarias sa tulong mismo ng Espiritu Santo ay nagsasambit ng
papuri sa Diyos. May nagsasalita, si Zacarias at mayroong nakikinig: ang
Diyos. Isa pang bahagi ng ating panalangin ay ang pagsasalita o
pagsasambit.
Isang tunay na dialogo ang panalangin
hindi man natin nakikita ang ating kinakausap o ang ating taga-pakinig.
Ang higit na mahalaga ay ang ating buhay
na pag-asa na tayo ay dinirinig ng Diyos. Sapat na ang tayo ay umasa
para makita ang isang bagong pananaw na dulot ng pag-asa at ng ating
buhay panalangin. Isang nakatutuwang maagang papasko mula sa ating Santo
Papa ang kanyang liham ensiklika, Spes Salvi kung saan ipinakikita ng
Santo Papa na ang bawat taong umaasa ay namumuhay ng isang buhay na
higit kaysa iba dahil ang bawat umaasa ay tumatanggap ng biyaya ng isang
bagong buhay.[iii]
Sa mga taong hindi kumimilala sa Diyos,
mas malimit wala rin ang pag-asa sa kanilang buhay. Walang pag-asa dahil
wala ang Diyos. Pero merong pag-asa kapag may pagkilala sa Diyos na
inaasahan nating dumidinig sa atin. Isang malalim na pagpapahayag ng
ating pagasa ay ang ating buhay panalangin. Ang buhay ng bawat
Krisitiyano ay buhay ng pagsunod sa ating Panginoong Hesukristo. Ang
panalangin, tulad ng sinambit ng isang banal na pari ay walang iba
kungdi “ang pag-lagi sa kanya na alam nating nagmamahal sa atin.”
Pwedeng magkaroon ng pakikinig kahit walang boses na napapakinggan at
pwede ring magpahayag ng pagmamahal kahit walang pagsasambit ng ano pa
mang salita. Sapat na ang isang pagngiti, sapat na ang mismong paglagi
sa kanya na alam nating nagmamahal sa atin.
Dito natin makikita ang pangangailangan
ng paglagi sa piling ng ating Panginoon araw-araw sa ating buhay. Sa
bawat sandali ng pag-darasal, nagsasambit tayo sa Diyo ng ating
pagpupuri, pagpapasalamat, paghingi ng tawad at paghiling. Pero hindi
sapat ang lahat ng ito kung walang mga sandali ng pagtahimik upang tayo
naman ang making sa kung ano ang nais Niyang sabihin sa atin. Vocal
prayer at mental prayer: ang bahagi ng ating pagsasalita sa harap ng
Diyos ang una at ang bahagi ng ating pakikinig sa kanya naman ang
ikalawa.
Sa panahon ng kapaskuhan, usong uso ang
ibat ibang uri ng pakikisalamuha: kwentuhan, Christmas party, reunion
dito, reunion doon, gimmick dito, gimmick doon. Darating na ang Salita
ng Diyos, meron Siyang nais sabihin, pero meron kaya tayong panahon
upang makipagdiwang kasama niya, siya na tunay na dahilan kung bakit may
Pasko. Ilang sandali man lang bago o pagkatapos ng misa, samahan natin
siya na alam nating nagmamahal sa atin—ito ang simula ng isang tunay na
buhay panalangin, may pagsasalita, pero may tunay at malalim na
pakikinig.
Hilingin natin ang paggabay nina San Jose
at ng ating Mahal na Inang si Maria, sila ang mga halimbawa natin ng
isang tunay at malamin na buhay panalangin, dahil bukod sa kanilang
pagsasalita, palagian silang nakinig sa Kanya na alam nating magmamahal
sa atin.
Kung wala pa kayong regalo o pa-birthday
sa ating Panginoong Hesukristo, hindi na kailangang pumunta sa SM o
sa Robinson, marahil sapat na ang isang malinis na pagkukumpisal at
isang mas malamin na buhay panalangin: may pagsasambit pero may tunay na
pakikinig.
[i]
Homily 10 St. John Chrysostom, The Fathers of the Church, CUA
Press
[ii]
Nova Vulgata Bibliorum Sacrorum Editio Novum Testamentum,
Ioannem 8: 32
[ii] Spes Salvi, Benedicto XVI,
Libreria Edetrice Vaticana
Back
to Top
|