SILA MAN AY MGA BAYANI DIN BY MISS SONIA MILAN CRISOSTOMO
Naniniwala ako na karapat-dapat lamang na tawaging mga bagong bayani ang ating mga nangingibang bansang manggagawang Pilipino. Hindi matatawaran ang mga paghihirap na kanilang binabata at ang mga sakripisyong bawat oras ay iniaalay nila para sa mga pamilyang kanilang naiwan. Sa mata ng pamahalaan at ng mga mamamayang Pilipino, sila ang patuloy na bumubuhay nang kadalasa’y naghihingalong ekonomiya ng bansa.
Subalit sa likod ng kabayanihang ito, nakakalimutan natin na malaki din ang sakripisyong ginagawa ng mga anak ng ating OFWs. Mahirap lumaki na malayo sa magulang. Hindi na mabibilang ang mga pag-aaral na ginawa upang malaman ang epekto sa mga bata ng pagkakawalay na ito. Hindi na dinm mabilang ang mga anak na napariwara dahil wala ang ina o ang ama o ang parehong magulang sa oras ng pagkalito o kawalan ng pag-asa.
Sapagkat hindi sila lumalaki sa isang “normal environment”, malaking bahagi ng kanilang panahon ay napupunta sa adjustment period. Nakakalungkot mang isipin, may mga pagkakataon na hindi sila maka-adjust na nakakaapekto naman sa kanilang pag-aaral. Sa mga pamilyang ang ina ang OFW, higit na mabigat ang hamon sa mga bata. Ang tinatawag na reversal of roles o pagpapalit ng papel sa loob ng tahanan ay kadalasang nagdudulot ng kalituhan sa mga bata. Ang Tatay nila ay tinatawag ngayong houseband. Si Daddy ngayon ang namamalengke, nagluluto at naglalaba. Si Papa ang nagtitirintas ng buhok ni Baby at dumadalo sa PTA.
Sa murang kaisipan, patung-patong na katanungan ang patuloy nilang hinahanapan ng kasagutan. Sa kanilang mga formative years, hindi nila maintindihan kung bakit iba ang kanilang pamilya sa pamilya ng kanilang kalaro o kaeskwela. Dahil dumadaan ang mga araw na hindi nila kasama si Mommy o si Daddy, lumalaki silang hindi na naghahanap at kung minsan ay hindi na nakikilala ang mga magulang. Mayroon nga silang ama pero webcam Dad. Mayroon nga silang ina pero cell phone Mom.
Ang mga anak ng ating mga OFWs ay mga bayani din ng ating makabagong panahon. Karapat-dapat lamang na kilalanin ang kanilang malaking bahagi sa usapin ng pangingibang bansa ng ating mga manggagawa. Tunay ngang napakabigat ng hamon na oras-oras ay sinusuong ng mga batang ito. Tama lamang na alalayan sila sa mga pangangailangan na hindi kayang matugunan ng kanilang mga magulang na malayo sa kanila.
Paano nga ba kikilalanin at dadakilain ang mga bayaning ito? Ayaw nating makitang naghihirap ang mga Pilipino subalit ayaw din naman nating makitang nabubuwag ang pamilyang Pilipino. Isang malaking hamon sa uupong bagong pangulo ang bigyang kasagutan ang mga tanong na ito. Sana ay huwag niyang biguin ang kanilang mga pangarap.
OUR PARTNERS
Overseas Workers Welfare Administration
A Pastoral Care Program for Batangueño Migrants and their Families