Isang payak na kwento ng isang anak ng OFW
sa paglalahad ng isang nagpadala sa email na hindi binaggit ang
pangalan. Matutunghayan sa kanyang kwento kung ano-ano ang
nararamdaman ng isang anak sa kapirasong panahon na ginugugol ng
karamihan sa ating mga OFW sa kanila. Kung ating uunawain
ang mga nilalamang emosyon sa kabila ng magaan na pagkaka lahad
ng kabuuan nito.
Alay para sa lahat ng Tatay, Anak ng OFW, kabilang na ang hindi
Tatay, pati na rin ang mga Nanay na Tatay din.
Si Tatay...:
an Essay-Writing Contest Winner
1980
ako ipinanganak. Tatlong
taon bago pinatay si Ninoy Aquino at anim na taon bago ang EDSA
uprising. Taon ding ito
nang nagkaroon ng malaking krisis sa langis ang buong mundo.
P24.00 ang palitan ng
dolyar sa piso at 48 milyon na ang populasyon ng Pilipinas.
Ito rin ang taong unang
pumunta ng Middle East ang tatay ko para magtrabaho.
Isang karpintero ang Tatay. Isang skilled worker.
Malaki ang
pangangailangan ng bansang pupuntahan ni Tatay sa mga katulad
niya. Sabi ng Nanay mahirap daw ang buhay noong mga panahong
iyon. Inabot na raw ang
bansa ng economic depression na galing sa Europa at Amerika.
Kaya minabuti ng Tatay na mag-abroad.
Anupa't dalawa ang
pinag-aaral niya at may bago na naman siyang bibig na pakakainin.
Parating pinapaalala sa amin ng Nanay na "nagtiis kaming
magkahiwalay ng tatay ninyo para magkaroon tayo ng maginhawang
buhay." Palibhasa'y parehas galing sa hirap, kaya siguro ganoon
na lamang ang pananaw nila. Uuwi
kada dalawang taon, tapos aalis na ulit pagkalipas ng dalawang
buwan. Ganyan ang
pattern ng buhay ng tatay ko.
Pumutok ang giyera sa Middle East
noong 1989. Doon
ko unang narinig ang mga salitang Operation: Desert Storm at
Third Anti-Christ. Nandoon
din si Tatay. Isang
beses lamang siya nakatawag sa loob ng tatlong taon niyang
pagkaka-stranded sa bansang iyon.
Mabuti naman daw ang
lagay niya. May tirahan
naman daw sila at husto sa lahat ng pangangailangan.
Hindi naman daw sila
gagalawin sa giyera sabi ng embahada ng Pilipinas dahil hindi
naman daw sila kasali sa awayan ng dalawang bansa at ng
pakialamerong Amerika. Iyon
naman pala eh, bakit ka pa rin nandyan?!
Na-imagine ko na lang
tuloy ang Tatay na parang isa sa mga sibilyan na dumadaan habang
nakikipagbarilan ako sa larong Operation: Wolf sa SM City.
Nang mahawi ang mga usok
ng giyera umuwi na ang Tatay. Wala
pang isang taon ay nakita ko na naman ang aking sarili na
nakasakay sa arkiladong dyip para ihatid ang Tatay sa Airport
papuntang Middle East.
Ikaw ba naman ang
magkaroon ng pinag-aaral na nurse, isang seminarista at tatlo pa
sa
elementarya. Kailangang
kumayod, kailangang kumita.
Kung tutuusin maraming na-miss ang Tatay sa buhay naming
magkakapatid, lalo na sa akin. Wala
siya nang una akong magtalumpati sa entablado.
Wala din siya nang
grumadweyt ako ng elementarya at hayskul. Wala siya nang una
akong nakipagsuntukan sa kaklase ko nang inasar ako nito habang
binibigay ko ang libreng plastic na singsing na galing sa cheese
curls sa kaklase kong babae. Wala
din siya para turuan akong agbasketbol tulad ng ginagawa ng mga
kapitbahay ko sa kanilang anak. Wala
rin siya para panoorin si Kuya na contestant sa Student Canteen
at ako naman para
sabitan niya ng medalya para sa mga math competition na
sinalihan ko. Wala siya nang dumating ako sa punto ng aking
buhay, na siya ring kinakatakutan ng lahat ng katulad kong
nagbibinata--ang magpatuli. Wala
rin siya para turuan akong maglanggas.
Wala siya nang kauna-unahang
lumabas ang pangalan ko sa dyaryong pang-estudyante bilang isang
editor.Ipinagtabi ko
siya ng mga kopya para maipagmalaki sa kanyang pagdating.
Wala siya nang una akong tumikim ng alak dahil binasted ako ng
dinidigahan kong babae. Wala
rin siya nang sumubok akong manigarilyo at itapon ito pagkatapos
ng dalawang hithit pa lang. Wala
siya, wala siya parati.
Napansin ko na lamang na mas naiibuhos naming magkakapatid ang
oras naming sa labas ng bahay at sa eskwelahan.
Ang Ate ay kagawad ng
Sangguniang Kabataan, ang Kuya naman ay matagal nang kinuha ng
seminaryo, ang dalawa kong kapatid ay may mga sarili nang
kina-career at ako naman ay natutuon sa aking pagsusulat.
Dumating ang isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko, ang
pagdating ng Tatay at sabihing ito na ang huli niyang uwi dahil
hindi na siya babalik ulit sa abroad.
Makalipas ang ilang buwan, trinangkaso ang Tatay.
Sabi ng doktor ay
overfatigue lang daw at kailangan niyang magpahinga.
Pagkaraan nang ilang
buwan, na-diagnose na may tumubong tumor sa utak ng Tatay at
malignant na ito. Minsan
naitanong sa akin ng uncle kong doktor kung nauntog ba ang Tatay
o nabagsakan ng mabigat na bagay sa ulo. Nahihiyang ngiti, kamot
sa ulo at isang "hindi ko po alam" lang ang naisagot ko.
Kung gaano kabilis na nadiskubre ang tumor niya sa utak ay ganun
din kabilis na binawi sa amin ng Diyos ang Tatay.
Habang pinagmamasdan ko
ang Tatay habang mapayapa itong nakahimlay noong burol niya,
nahihirapang tumulo ang luha ko. Kung tutuusin, hindi ko kilala ang taong ito.
Siya ang tatay ko.
Kalahati ng pagkatao ko
ay galing sa kanya. Pero
kung tatanungin mo ako kung anong gusto niyang timpla ng kape,
kung allergic ba siya sa hipon na paborito ko, kung San Miguel o
Purefoods ba ang team niya sa PBA - isang malaking EWAN lang ang
maisasagot ko sa iyo. Noong
bata pa ako, nasa abroad ang Tatay.
Kapag nandito naman siya
para magbakasyon, mas malaking oras ang nagugol niya sa
pag-aasikaso ng mga papeles niya para sa susunod niyang pag-alis.
Nang tumigil na siya sa
pagtatrabaho, ako naman ang abala sa mga reports, periodical
examinations at mga research works.
Nang nasa ospital na
siya, kahit
makipagkuwentuhan ay mahirap nang gawin dahil halos hindi na
siya maintindihang magsalita dulot ng chemotherapy.
Matagal nang patay ang Tatay. Minsan
nabalitaan kong dumating na ang seaman na tatay ng boss ko,
pilit ko siyang pinauuwi nang maaga.
Minsan ding buong
kawilihan kong pinagmamasdan ang isang kaibigan ko na
nagmamadali dahil baka masaraduhan na siya ng grocery.
Kailangan niyang
makabili ng ingredients ng spaghetti dahil 'yun daw ang bilin ng
tatay niyang na-stroke. Minsan
rin nang makainuman ko ang matalik kong kaibigan habang
binubuhos niya sa akin ang sama ng loob niya sa pagbabalik ng
tatay niya na malupit sa kanila nang mahabang panahon at
ipinagpalit sila sa ibang babae. Sa tingin ko lang, "Buti ka pa nga may Tatay pa."
Syempre hindi ko sinabi
iyon sa kanya. Baka
mamaya tanungin pa niya ako kung kanino ako kampi, kami pa ang
mag-away. Minsan din sinamahan ko ang kababata ko nang dinalhan
niya ng pansit ang tatay niya sa City Jail.
Hindi naman sila
nagtatanong kung bakit ako ganun.
Wala naman silang alam
kay Tatay.
Maraming pagkakataon na nanghihinayang ako dahil masyadong maaga
ang paghihiwalay namin ng Tatay. Gusto kong sisihin ang Pilipinas dahil napakahirap ng
buhay dito. Sa Amerika
ba may tatay na nangingibang-bansa para makapagtrabaho lang?
Naisip ko tuloy na
sumama na lang sa mga nagpipiket na mga migrante dahil alam ko
tulad ko rin sila. Kadalasan
rin sinisisi ko si Saddam Hussein at ang Gulf War dahil kinuha
nila ang tatlong taon sa buhay ng Tatay.
Sayang ang tatlong taong
iyon. Nakalaro ko man
lang sana ang Tatay ng basketbol o di kaya'y
naturuan niya akong mag-bike. (Beinte anyos na ko nang matuto
mag-bike).
Isa sa mga klase ko sa writing ang nagpasulat sa amin ng kahit
ano tungkol sa aming mga tatay, samahan pa ng larawan kung
maaari. Bigla tuloy
akong nalito. Hindi ko
alam kung anong tungkol sa Tatay ang isusulat ko.
Ikuwento ko kaya na isang Overseas Contract Worker si Tatay.
Isang bagong bayani.
Nag-aambag ng malaki sa
ekonomiya ng Pilipinas. Sabihin
ko kayang may larawan ng tatay kong may suot na hard hat na
dilaw, construction boots at may hawak na drill at kasama niyang
nakangiti ang mga kapwa niyang Pilipino with matching background
na disyerto. O kaya
ang larawan nilang magkakababayan habang pinagdiriwang nila ang
New Year at nag-iiyakan dahil tinutugtog ang Lupang Hinirang.
Ang drama no?
Kuwento ko kaya na isang survivor ng Gulf War ang Tatay.
Na natutulog siya at
ipinaghehele ng mga Patriot at Scud Missiles.
Pakita ko kaya ang mga
remembrance ng Tatay na mga dull na landmines.
Adventure naman ang
dating nito.
Kuwento ko kaya kung paano hindi nagpabaya ang Tatay sa
pagbibigay ng pangangailangan namin.
Hindi kami sumasala sa
pagkain, may magagandang damit, maayos na tirahan at
nakakapag-aral. Siya ay
naging isang good provider. Siguro
isang malalim na buntong hiningang "Haaaaaay!" ang ibibigay sa
akin ng mga kaklase ko.
O di kaya'y dalhin ko ang picture ni Tatay habang kini-chemotherapy
siya. Ikwento ko din kaya na naging mabilis ang lahat ng mga
pangyayari. Na
inoperahan siya sa loob ng walong oras at binutasan ang ulo niya.
Na nakalabas pa siya ng
ospital. Pagkatapos ng
isang linggo, agad siyang namatay.
Tragic naman ang
approach ko nito.
Gayahin ko kaya ang kuwento sa telebisyon na tipong galit na
galit sa mundo ang anak dahil hindi ito nabigyan ng sapat na
atensyon dahil inuna ng kanilang tatay ang pinansyal nilang
pangangailangan. Teka,
hindi naman totoo yon eh! Napaka-unfair
naman 'nun kay Tatay.
Ikuwento ko na lang kaya ang isa sa mga magagandang alaala namin
kay Tatay. Apat na taon
ako noon. Malinaw na
malinaw pa sa alaala ko ang pangyayari.
Kadarating
lamang ng Tatay pagkaraan ng dalawang taon. Nagkaroon ng
simpleng party sa bahay. Kainuman
niya ang mga kumpare niya nang tumayo siya at binuhat ako mula
sa kuna ko habang pinaglalaruan ko ang bagong matchbox na
pasalubong niya sa akin.
Inutusan niya ako na ikuha siya ng beer sa refrigerator.
Pagkakuha ko ng beer ay
kinandong niya ako at buong pagmamalaki na ibinida sa mga
kumpare niya na natanggap na raw ako sa local na Day Care Center
dahil abot na ng kanang kamay ko ang aking kaliwang tenga kahit
idaan pa sa ibabaw ng ulo ko at matatas na ako magsalita at
madali raw akong matuto. Matagal din akong nanatili sa
pagkakandong niya. Mistula
siyang bagong dating na hari na suot-suot ang kanyang korona.
Ako ang kanyang korona.
Kapag naaalala ko ito, napapawi ang lahat ng panghihinayang ko
sa mga taong kailangan niyang magtrabaho at mawala sa piling
namin. Mga panahong kasama ng mga tatay nila ang mga anak nila.
Ito na lang ang isusulat
ko. Bago ang lahat,
pupunasahan ko muna ang mga luha ko at ang patulo ko ng sipon.
Baka mapatakan pa ang
keyboard ng computer at ang hawak kong picture.
Picture ng isang paslit
na may hawak na bote ng beer habang kandong ng tatay na
kitang-kita ang kasiyahan sa mukha.
OUR PARTNERS
Overseas Workers Welfare
Administration
A Pastoral
Care Program for Batangueño Migrants and their Families